Masakit pala matapilok
Tuesday, February 26th, 2008Noong December 22, natapilok ako on the way sa pagkuha ng pera sa ATM. Six o’clock ata ng umaga noon at nagsimbang gabi kami ng Daddy ko kasi 53rd birthday niya noon. Medyo inaantok pa talaga ako kasi hindi naman ako sanay gumising ng ganun kaaga at na-stress out ako sa kakaisip ng data gathering ko sa Los Banos.
So matapos yung misa, sabi ko sa kay Daddy maghanap kami ng ATM na tumatanggap ng VISA. Noong mga panahong ito, nahihirapan talaga ako sa pagbabalanse ng pera sa research tapos ang taas pa ng charges sa akin dahil non-Chase withdrawal yung ginagagawa ko. Kung hindi ako nagkakamali eh naka-tatlong ATM na ata kami bago kami huminto dun sa branch malapit sa bahay namin.
Pinark ni Daddy yung kotse at bumaba naman ako. Madilim pa nun. Naalala ko na ang ganda ko pa naman nung umagang yun - naka blazer ako na brown kasi medyo malamig, blue jeans, at inner shirt na pink yata.
"Finally, may ATM!"
Natuwa naman ako dahil abot kamay ko na ang pera. Isang maliit na parking lot na lang ang naghihiwalay sa amin. So dirediretso ako ng lakad. At wala pang 5 seconds eh sumubsob ako sa lupa.
"BLAGGGGGGGGGG!!!"
Napahalik ako sa alikabok.
"Arayyyyyyyy!!!!! What the heck just happened????" sigaw ng utak ko in English habang naka-Spiderman pose ako sa gitna ng maliliit na bato at semento. Pagtingin ko, may kwerdas pala kasi nga parking lot yun at hindi ko nakita dahil naka-focus ako dun sa ATM machine at inaantok ako.
Ang tanga ko naman, naisip ko. Apat na nga mata ko, hindi ko pa nakita.
Hindi ako nakapag-react sa sobrang gulat sa nangyari sa akin. Aba, five years ago pa nung huli akong ma-plakda sa kalye at yun ay dahil may pangahas na lalaking nakasakay sa likod ng traysikel na sumubok na i-snatch ang bag ko sa Los Banos. Nakalimutan ko na kung gaano kasakit sa katawan ang madapa.
Dahan dahan akong tumayo at tiningnan ko ang paligid.
"Oh my god, buti na lang walang tao!"
Narinig ng Daddy ko mula sa loob ng kotse na may kumalabog kaya binaba nya yung bintana. Akala ko eh tatakbo yung Daddy ko to the rescue, alam mo yun, parang pelikula na sisigaw siya ng "Anakkkkkkkk, anong nangyari sa yo????" Yun pala akala nya, nahulog lang yung Tommy Hilfiger kong bag kaya may narinig shang ingay.
"OK LANG AKO DADDY!"
So tumayo na ako at sinubukan kong isalvage ang pride ko para makakuha ng pera. Mukhang mocha milkshake na yung brown kong blazer. Naisip ko na lang thank God at hindi ako nag-sleeveless at skirt, kung hindi puro gasgas ako ngayon. Baka magpeklat pa, bad trip pag ganun.
Bumalik ako sa kotseng iika-ika at natawa yung Daddy ko sa kin kung bakit di ko napansin yung kwerdas. Mwahaha. Natawa rin ako sa sarili ko. It was a grounding experience, literally. I don’t fall flat on my face every day and it was such a joy to tell the story to my friends afterwards. Para bang kahit gaano katalino o kataas ang tingin nila sa akin, I’m just like the rest - antukin at may pagkabulag paminsan minsan. Normal pa rin ako, mwahahaha!
Looking back, I realized na kung nga ang blood clot sa kanang balakang at gasgas sa kaliwang tuhod ko eh gumagaling at ang lost poise ay nare-recover, pano pa kaya ang puso diba? Resilient ang heart, at kahit ilang beses pang madapa at masaktan, laging may natitirang lakas para bumangon at magmahal muli.