bukod sa luha
Dahil wala kaming TV sa bahay, umaasa ako sa radyo at sa Internet para malaman ang nangyayari sa mundo sa labas ng Athens. Kanina habang nagtatanghalian akong mag-isa sa gitna ng malamig naming dining room, nakarinig na naman ako ng balita mula sa National Public Radio tungkol sa gyera sa Iraq.
Ewan ko ba. Humahagulgol ako mag-isa habang kumakain ng dalawang pirasong toasted bread with strawberry cream cheese, dalawang bacon, stir fried vegetables, at orange juice. Kasi ang kwento sa radyo ay tungkol sa isang maliit na pamayanan sa Delaware (pop. 7,000 - mas maliit pa sa UPLB pop.) at yung interview sa dalawang nanay na namatayan ng anak na sundalo sa Iraq.
Pag nag drive ka daw papunta dun sa bayan nila, sabi ng reporter makikita mo yung na nakaukit sa granite ang mga pangalan ng mga namatay sa WW1, Korean war, Vietnam war, WW2, Beirut at ngayon pati sa Afghanistan at Iraq. Little towns like this bear the brunt of war at ang masakit dun, kahit na ilan pa ang mamatay sa kanila (15 na sa 644 na enlisted ang hindi na babalik), sinusuportahan pa rin ng pamayanan ang gobyerno para ipagpatuloy ang pakikipaglaban.
Paano ka namang hindi iiyak pag narinig mo ang mga tinig ng mga nanay? Yung bahay nila punong-puno ng litrato at dekorasyon para sa mga anak na hindi na uuwi. Magkukuwento sila sa reporter kung gaano kakulit yung mga anak nila dati at paano sila napadpad sa army o sa marines. They would have been good husbands and good fathers but now that promise is gone. Kapag naman pinakinggan mo ang latest sa Iraq, paano kang hindi magagalit kapag binibilang ang mga namamatay na mga mamamayan dahil nagkaron ng barilan o dahil may bombang sumabog habang sila’y nagdadasal, namalengke, naghihintay ng bus, o nagmamadaling makauwi? Isang malaking injustice sa tingin ko lalo na dahil alam kong sa bawat isang kwentong naririnig ko sa radyo, daan-daan ang hindi makakarating sa himpapawid kasi hindi naman sila maiinterview at walang makakaalam kung gaano sila naghihirap dahil sa digmaan.
Alam kong hindi sapat ang luha para tugunan ang mga problemang gaya nito. Ano kaya ang pwede kong gawin?