Mga Palaisipan
Habang pauwi sa Los Banos kaninang umaga, tatawa tawa ako sa sarili ko dahil bigla kong naalala yung mga pinag-iisip ko nung bata ako. Ito yung panahon na hindi pa ako grade 1 at sa probinsya pa ng Papaya kami nakatira. Ewan ko ba, basta bigla na lang bumalik yung mga palaisipan sa akin nung five years old ako. Nakakaaliw nga eh kasi looking back, parang ang likot na imagination ko. Parang lahat ng bagay pwedeng maging source ng tanong o ng katuwaan kasi isip ako ng isip “Eh bakit nga? Siguro….”
Ito ang ilan sa mga bumabagabag sa akin:
1. Iniisip ko bakit ginawa ng Diyos ang langaw.
Malaking dilemma ito para sa akin kasi ang daming langaw sa bahay namin. May tatlong poultry house kasi kami sa likod ng bahay. Minsan kumakain kami sa terrace ng lunch kasi ang init sa loob dahil brownout yata. Pakiramdam ko, bawat subo ko ng kanin ng kanang kamay, dapat magbugaw ako ng dalawang beses ng kaliwang kamay ko. Nakakapagod at nakakainis talaga! Pesteng-peste talaga ako kayat nagmadali ako kaumain para matapos na ang pagdapo sa akin.
Iniisip ko: kung matalino ang Diyos, bakit siya gumawa ng langaw? Kasi masyado na silang madami.
Dun kaya sa Noah’s Ark ay talagang may sumamang dalawang langaw para i-repopulate ang mundo? Ano kaya ang purpose nila? Meron bang malulungkot kung maglaho sila? Ano kaya ang pakiramdam ng isang mundong walang nagliliparang langaw? Pag lumaki ba ang langaw ito ba ay magiging bangaw?
Napagod na ako kakaisip. Ayoko tanungin yung mommy at daddy ko kasi tingin ko sasabihin nila, iba na lang ang pagkaabalahan ko. So para matahimik ako, sabi ko sa sarili ko, “Ginawa ng Diyos ang langaw para may kainin ang palaka.” Kaya lang, bigla kong naisip na kung ako yung palaka, magsasawa ako sa lasa ng langaw kung puro yun na lang ang kakainin ko.
“Alam ko na, pag ayaw niya na ng langaw, lamok naman.” Yan ang dahilan bakit may lamok sa mundo.
* * * * *
Katulad ng mga batang pinanganak nung ’80s, adik na adik ako sa Bioman, Maskman, at Shaider. Minsan, buong puso ko pang kinakanta yung pagsamba nila kay Fuma Lei-Ar, yung “Shigi shigi….” at yung Tagalog translation ng theme song ng Maskman “O Maskman, hari ng kapayapaan!”
Sa sobrang kakapapanood ko ng mga Japanese shows na ito eh napaghalo ko na ang fantasy at reality.
2. “Sa Japan kaya talaga eh every 5:30 ng hapon ay nagsisigawan palabas ng factory ang mga trabahador dahil may monster na sasalakay?”
Kasi nagtataka ako kung hindi ba sila napapagod na lagi silang inaabala ng mga monsters. Tapos yung factory nila, linggo-linggo ay ginigiba. Hindi kaya sila naiinis na ipagawa ito ng ipagawa? Aba, ang dami naman nilang pera! Tsaka yung mga trabahador, nagpapraktis kaya sila kung anong klaseng sigaw ang gagawin nila ngayong linggo? Kasi alam naman nila na kukuhanan sila ng camera kasi darating yung mga sugo ni Fuma tsaka si Maskman para maglaban.
Isa pa yung mga robot na lumalabas sa mga bundok. Kitang kita kasi yung kalbong bundok ng Sierra Madre mula sa terrace namin. Sabi ko, “Bakit ganun? Bakit walang Pilipinong nakaisip na maglagay ng robot sa loob ng Sierra Madre para may TV show rin dito? Ano kaya ang feeling ng kumakaripas palabas ng sumisigaw dahil may monster?”
Anyway, hindi na ako nakahanap ng sagot dito. Kasi pagdating ko ng 6 years old ay lumipat na kami ng Manila para mag-aral.
Nagsimula na ang isang dekada ako sa loob ng isang girls school kung saan hindi na langaw at monsters ang iniimagine ng mga bata.
Bow.
June 8th, 2006 at 3:25 am
Haha. Nakaktuwa naman ang imagination mo nung bata kpa.