Archive for June, 2006

Nasermonan kaya si Jesus?

Monday, June 19th, 2006

Kabilang ako sa mga kabataang may tanong tungkol sa Bibliya at saka sa religion.

Alam mo yun, bata pa lang ako, matagal nang merong mga maliliit na tanong na bumabagabag sa akin tungkol kay Jesus, sa Bible, at sa mga angel. Ito yung mga panahon na kalahati ng ulirat ko ang nakatuon sa sermon ng pari tuwing first Friday Mass sa school namin at ang kalahati naman ng attention ko ay naka-focus pagbubunot ng damo kasi nakaupo kami sa lawn. Ito yung ilan sa mga bagay na iniisip ko kung ako lang ba ang namomroblema at kung hindi ba nakakatawang itanong sa teacher ko kasi baka sasabihin nya, “Ano ba naman yan!!!!”

Una, iniisip ko kung nasermonan ba si Jesus ni Mama Mary.

At kung oo, ano kaya ang sinabi ni Mama Mary, kasi hindi nakasulat sa Bibliya. Kasi yung nanay ko, noong bata kami, tuwing Sabado ng umaga, nasesermonan kami kasi ang tagal naming bumangon sa kama. Sasabihin nya ng malakas, “babae’t lalaki, matanda’t bata, mga paking!!!!” Humahagikgik na lang kaming magkakapatid ngayon tuwing naaalala namin ito, pero dati talaga, inis na inis kami. E si Jesus kaya, hindi ba siya naiinis? Nakaka-relate ba si Jesus dito sa kalagayan ko?

Ang sabi pa nung kapatid ko nung isang beses, palagay daw nya, ang sinabi ni Mama Mary pag makulit yung anak niya, “Jesus, pastulin ka!” Pastulin kasi ang tawag ng nanay ko sa mga batang pasaway kasi para silang mga baka at kambing na kailangan laging sundan at bantayan.

So iniisip ko kung bakit dito sa Bible, isang araw na lang, pinanganak ang Panginoon, tapos naligaw sa templo, tapos nag preach na siya at ipinako sa krus. Bakit kaya nilaktawan yung growing-up years niya? Ang natirang kuwento tungkol sa kabataan niya ay yung lost and founding at the temple. Tapos sinabi pa niya kay Joseph at Mary matapos nilang mapagod kakahanap sa kanya eh ginagawa na daw nya ang kanyang tungkulin bilang anak ng Diyos. E iniisip ko, bakit hindi siya pinalo ni St. Joseph e hindi naman siya nagpaalam man lang tapos sumasagot pa siya? Pag ako ang nawala at yun ang sinabi ko, aba siguradong patay ako.

Matagal ko rin bago naintindihan na yung iba palang passage sa Bible ay symbol lang o metaphor. Literal talaga ang interpretation ko. Halimbawa, yung talata na sinabing sa dulo ng panahon ay paghihiwalayin daw ni Jesus ang mga righteous sa mga masasama. Ang mabubuti, mapupunta sa kanan (ito daw yung mga baka yata or mga tupa) tapos yung mga masasama (yung mga kambing) sa kaliwa.

E shempre, walang nagpaliwanag sa akin kaya nalito ako. Ang interpretation ko, si Papa God, ay para din yung tatay ko, kaya dapat, sa hapag kaininan, ako ay nasa kanang kamay niya para mailigtas ako sa dulo ng panahon. Naisip ko nga, kawawa naman yung mga kambing kasi hindi nila alam na isinumpa na silang mapunta sa impiyerno.

At ang pinakahuli ay yung passage tungkol sa kung ano yung bahagi ng katawan mo na dahilan upang magkasala ka ay dapat daw putulin mo. Sabi ko talaga, bakit ang brutal ni Lord? Wala bang exception dito talaga? Pano yan, pinalo ko yung kapatid ko, so puputulin ko yung kamay ko, tapos nakipag-sigawan ako kaya puputulin ko din yung bibig ko?

E anong body part ang matitira sa akin pagtanda ko? Ibig bang sabihin pag nagkita kita tayo sa langit, mga mutilated body parts na lang ang haharap kay St. Peter?

So napag-isip isip ko, hindi sapat na may 11 years ako ng religion classes para maintindihan ang complexities ng Catholic faith. Madalalas, nakakaloka at nakakalito para isipin ang mga paliwanag, lalo na pag bata ka at maraming mga simpleng tanong na wala ang sagot sa libro.

Bakit ako takot sa math

Tuesday, June 13th, 2006

Ako na ang unang magsasabi na hindi ako magaling sa math.

Sayang nga eh. Pinangalanan pa naman ako ng nanay ko na “Margarita” kasi yun yung classmate nya na pinakamagaling sa math. Kaya lang hindi ko nasundan ang kanyang yapak. Imagine mo yun? Kung nagkataon, hindi lang ako maganda, magaling rin ako mag-compute! Astig diba?

Minsan, iniisip ko, nagsimula ang takot ko sa math dahil nung grade one ako, takot na takot ako dun sa teacher ko. Ang pangalan nya kasi ay Ms. Ferrer at matangkad siya, morena, prominent cheekbones, may malaking bilog na mata, at short wavy hair. Pero natatakot ako sa kanya kasi yung nguso nya laging naka-point. Siguro sanay lang siya na ganun ang porma ng bibig nya. Minsan nga, sinbukan kong gayahin yung pagka-point ng nguso nya kaya lang napagod ako. Paano kaya nya ginagawa yun sa lahat ng klase nya buong araw?

Tsaka napansin ko, ang haba ng braso ni Ms. Ferrer! At ang taas ng takong niya! Sa sobrang gulat ko sa itsura nya, kung anu-anong imahe ang lumalabas sa utak ko pag tinitingnan ko siya noon. Iniisip ko:

Parang mukha siyang matandang model.
Mukha rin siyang higante.
Mukkha rin siyang vulture at mangkukulam! Kulang na lang nang mahabang kuko panghablot ng bata.

Isang araw, nadiskubre ko kung para saan ginagamit ni Ms. Ferrer ang mahaba nyang braso. Nag-aaral kami ng sets. Sa notebook namin, gagayahin namin yung nasa blackboard - isang rectangle na sa loob ay may mga iba’t-ibang hugis. Tapos may isusulat kami pagkatapos sa ilalim na notes.

Ang sabi ni Ms. Ferrer, “Mag-skip kayo ng linya matapos n’yo idrowing ung rectangle.” Para nga naman hindi masikip diba?

So nagsimula na siyang umikot sa makitid na pagitan ng mga upuan. Iniinspeksyn ang trabaho ng mga studyante nya. Sa totoo lang, bumibilis ang tibok ng puso ko pag naririnig ko ang takong nyang papalapit sa upuan ko. Iniisip ko, baka may nagawa akong mali kaya tinititigan nya ang gawa ko.

Bigla napahinto si Ms. Ferrer sa table ni Pamela Sue Chua (class #7) sa pinakaharap ng row 1. At biglang nanlaki ang mata nya! Natakot ako! Anong ginawa ni Pamela?

“Diba sabi ko, mag-skip ka ng linya!!!”

Umalingawngaw ang boses nya sa loob ng classroom. Hinawakan ni Ms. Ferrer ng mahigpit ang collar ng blouse ni Pamela. Niyugyog niya ang classmate ko ng malakas. Napatulala ako. Nakita ko si Pamela, na mukhang maliit na studyanteng Intsik, na napapaangat sa upuan niya na parang isang bolang tumatalbog sa lupa dahil sa paghablot sa kanya ni Ms. Ferrer.

Tahimik ang buong klase. Walang imik si Pamela. Siguro umiyak siya pero hindi naman namin siya matulungan. Siguro ang sakit na ng pwet nya kasi kahoy ang upuan namin at parang nabalibag siya.

Dali-dali kong tiningnan ang notebook ko. Patay, hindi rin ako nag-skip!!!

Kabang-kaba ako na baka ako na ang susunod kay Pamela at mapapahiya ako sa buong klase. Titingnan rin nila ako at wala rin silang magagawa para tulungan ako. Pero sa awa ng Diyos, hindi na umikot si Ms. Ferrer at natapos na ang math period namin.

Mula noon, tuwing naiisip ko ang math, lagi na akong may konting nerbyos. Siguro kung nagkaroon ako ng magaling at mabait na math teacher dati na hindi nangyuyugyog ng mga batang nakakalimot mag-skip ng linya, siguro mas nag-eenjoy akong mag-solve ngayon ng numero.

Wala ka sa medyas ko!

Monday, June 12th, 2006

Nung elementary at high school ako, ang pinakapaborito kong part ng bagong schoolyear ay pagsuot ng bagong medyas at pag-cover ng notebook.

Tuwang-tuwa ako sa malambot na medyas ng Burlington na siyang required sa aming school. Ang puti-puti kasi at ang dulas dulas isuot! Pakiramdam ko, handang handa na akong pumasok kasi may bagong medyas na ako. Kapag kasi patapos na ang taon at naka-ilang laba na nito, manilaw nilaw at lupaypay na ang medyas. Para bang pagod na ako kakaaral. Tsaka, minsan sa isang taon lang kami bumili ng bagong school socks kaya nilalasap ko ang mga unang araw suot ito. Parang pakiramdam ko, ang yaman-yaman ko!

Bawal sa amin yung mataas na medyas na may lace o kaya may ribbon. Kailangan daw plain lang para simple, pare-pareho kami, at walang inggitan. Pero isang araw nung grade one ako, hindi ko natiis na makipagyabangan dun sa kalikod kong si Queenie. Kasi naman eh, sinimulan nya! :)
Kakatapos lang ng recess noon at nagdadasal na kami bago mag start ang Science class namin. Tapos kinalabit ako ni Queenie (class #4 siya at class# 3 ako).

Q: O kita mo na Lourdes, ang taas ng medyas ko o!

Tiningnan ko yung medyas ni Queenie. Oo nga, mataas nga - pang-party ang style. Hindi ako pwede magpatalo.

Ako: Ako kaya sa bahay meron akong medyas hanggang tuhod! (Pero wala naman akong medyas na ganito. Nag-imbento lang ako para matalbugan si Queenie.)

Q: Ows? Ako meron akong medyas hanggang bewang!

Ako: (Aba, ang taas nun ah. Ano kaya ang sasabihin ko?) Ako meron hanggang leeg!

Q: Ako, merong medyas pang-buong katawan!!!

Sa isip-isip ko, paano kaya hihinga si Queenie kung may medyas ang buong katawan nya? Ano yun papasok siya sa school na parang mummy ang itsura? Bago pa ako makaisip ng pampayabang eh napagalitan na kami ng teacher. Pinalabas kami ng classroom pareho.Nagtinginan sa amin ang buong klase.

Sa gitna ng corridor, habang nagsisimula ang science class namin, nagsisihan kami ni Queenie.

Ako: Iyan kasi, kinuwento mo pa yung medyas mo! Ayan tuloy, napalabas tayo!

Mula noon, natuto na ako. Hindi na ako nakipagyabangan sa mga classmate ko, lalo na pag medyas ang usapan.

Mga Palaisipan

Sunday, June 4th, 2006

Habang pauwi sa Los Banos kaninang umaga, tatawa tawa ako sa sarili ko dahil bigla kong naalala yung mga pinag-iisip ko nung bata ako. Ito yung panahon na hindi pa ako grade 1 at sa probinsya pa ng Papaya kami nakatira. Ewan ko ba, basta bigla na lang bumalik yung mga palaisipan sa akin nung five years old ako. Nakakaaliw nga eh kasi looking back, parang ang likot na imagination ko. Parang lahat ng bagay pwedeng maging source ng tanong o ng katuwaan kasi isip ako ng isip “Eh bakit nga? Siguro….”

Ito ang ilan sa mga bumabagabag sa akin:

1. Iniisip ko bakit ginawa ng Diyos ang langaw.

Malaking dilemma ito para sa akin kasi ang daming langaw sa bahay namin. May tatlong poultry house kasi kami sa likod ng bahay. Minsan kumakain kami sa terrace ng lunch kasi ang init sa loob dahil brownout yata. Pakiramdam ko, bawat subo ko ng kanin ng kanang kamay, dapat magbugaw ako ng dalawang beses ng kaliwang kamay ko. Nakakapagod at nakakainis talaga! Pesteng-peste talaga ako kayat nagmadali ako kaumain para matapos na ang pagdapo sa akin.

Iniisip ko: kung matalino ang Diyos, bakit siya gumawa ng langaw? Kasi masyado na silang madami.

Dun kaya sa Noah’s Ark ay talagang may sumamang dalawang langaw para i-repopulate ang mundo? Ano kaya ang purpose nila? Meron bang malulungkot kung maglaho sila? Ano kaya ang pakiramdam ng isang mundong walang nagliliparang langaw? Pag lumaki ba ang langaw ito ba ay magiging bangaw?

Napagod na ako kakaisip. Ayoko tanungin yung mommy at daddy ko kasi tingin ko sasabihin nila, iba na lang ang pagkaabalahan ko. So para matahimik ako, sabi ko sa sarili ko, “Ginawa ng Diyos ang langaw para may kainin ang palaka.” Kaya lang, bigla kong naisip na kung ako yung palaka, magsasawa ako sa lasa ng langaw kung puro yun na lang ang kakainin ko.

“Alam ko na, pag ayaw niya na ng langaw, lamok naman.” Yan ang dahilan bakit may lamok sa mundo.

* * * * *

Katulad ng mga batang pinanganak nung ’80s, adik na adik ako sa Bioman, Maskman, at Shaider. Minsan, buong puso ko pang kinakanta yung pagsamba nila kay Fuma Lei-Ar, yung “Shigi shigi….” at yung Tagalog translation ng theme song ng Maskman “O Maskman, hari ng kapayapaan!”

Sa sobrang kakapapanood ko ng mga Japanese shows na ito eh napaghalo ko na ang fantasy at reality.

2. “Sa Japan kaya talaga eh every 5:30 ng hapon ay nagsisigawan palabas ng factory ang mga trabahador dahil may monster na sasalakay?”

Kasi nagtataka ako kung hindi ba sila napapagod na lagi silang inaabala ng mga monsters. Tapos yung factory nila, linggo-linggo ay ginigiba. Hindi kaya sila naiinis na ipagawa ito ng ipagawa? Aba, ang dami naman nilang pera! Tsaka yung mga trabahador, nagpapraktis kaya sila kung anong klaseng sigaw ang gagawin nila ngayong linggo? Kasi alam naman nila na kukuhanan sila ng camera kasi darating yung mga sugo ni Fuma tsaka si Maskman para maglaban.

Isa pa yung mga robot na lumalabas sa mga bundok. Kitang kita kasi yung kalbong bundok ng Sierra Madre mula sa terrace namin. Sabi ko, “Bakit ganun? Bakit walang Pilipinong nakaisip na maglagay ng robot sa loob ng Sierra Madre para may TV show rin dito? Ano kaya ang feeling ng kumakaripas palabas ng sumisigaw dahil may monster?”

Anyway, hindi na ako nakahanap ng sagot dito. Kasi pagdating ko ng 6 years old ay lumipat na kami ng Manila para mag-aral.

Nagsimula na ang isang dekada ako sa loob ng isang girls school kung saan hindi na langaw at monsters ang iniimagine ng mga bata.

Bow.