Wanted: Katulong
Ang sabi ng dormate ko, mahirap na daw maghanap ng katulong ngayon. Hindi na daw sila pumapayag na P1500 lang ang ibabayad mo sa kanila buwan buwan. Yung sa kanila kasi, umalis nung Christmas vacation kaya tuloy matapos ang dalawang linggo ay ipinag utos ng nanay niya na dapat na silang maglaba lahat dahil wala na silang maisuot. Ang reklamo ng dormate ko tuloy, "Nay, bakit mo ba kasi pinaalis yung katulong?"
Kung sa bagay, mahirap nga naman magluto, maglaba, magplantsa, magwalis, mag mop, at mag alaga ng bata sa araw araw na ginawa ng Diyos. Pero isipin nyo na lang, kung kayo ay ordinaryong working mom na ang sweldo ay parang dito sa UP lang, aba eh, malaking kabawasan talaga ang P1500. Kaya maswerte kayo pag ang katulong nyo ay masipag, may utak, at mapagkakatiwalaan.
Tingnan nyo ung katulong ng boss ko, maaasahang magluto ng masarap na pagkain. Minsan nag uwi siya sa bahay nila for lunch ng kapwa nya thesis adviser ng walang pasabi. Ang bilin ni mam, "Pagpasensyahan mo na kung ano man ang abutan natin ha?" Tapos, pagdating nila, voila! Crispy pata ang niluto ni Inday . O sa’n ka pa, may kusang palo na ang kusinera, may ESP pa!
Isa pang dahilan kung bakit biyaya ang maasahang katulong ay dahil sa kapanatagan na dulot niya sa sambahayan. Makakatulog kayo ng mahimbing na hindi ninenerbyos na paggising nyo eh nagtanan na ang katulong at yung hardinero o security guard ng subdivision nyo. Ganyan ang nangyari sa Tita ko. Mismong araw ng Pasko e naglaho si Anna at iniwan pang bukas ang gate paglabas. Hirap na hirap tuloy ang tita ko pag uwi ng probinsya kasama ang dalawang malikot na mga pinsan ko.
Bukod diyan, kung ang katulong nyo sa bahay ay mapagkakatiwalaan, makakapagtrabaho kayo nang hindi nagsususpetsa na baka kung ano na ang kinupit nya sa inyong mga gamit. Yung kasama sa bahay ng co-faculty ko, isipin nyo ha, nagnakaw pala ng dalawang patatas, isang nilagang itlog, pritong tilapia, Toblerone, regulator ng Gasul, chain ng aso, shampoo ng kotse, at lumang medyas! Bukod diyan, nagtago pa ng bigas sa ilalim ng kama at ng lutong instant noodles sa loob ng washing machine.
Hindi daw nila kaagad sinumbong sa barangay kasi ano daw naman ang sasabihin nila sa blotter, "Sir, yung katulong po namin ay nahulihan ko na nagpuslit ng pritong tilapia dun sa cover ng plantsa namin." Eh sabi ng pulis dapat nireport daw nila agad kahit ganun kaliit na bagay para kung man may mawalang mas mahalaga, ay may record na ang katulong sa kanila. Pinagsabihan lang nung co-faculty ko, pero ayun, umulit pa rin itong si Nene kaya napalayas. Matapos ang isang buwan e nadiskubreng ng mag asawang nawawala pala lahat ng alahas nila at ayaw umamin ni Nene kung siya nga ang kumuha nung siya ininterrogate na ng barangay captain.
Kaya ako ay sumasang ayon na mahirap nga maghanap ng katulong ngayon. Hindi na kasiguraduhan ang pagpapasweldo at ang pagturing mo sa kanila na parang kapamilya para sa matapat na paglilingkod. Hindi ako sigurado kung ano ang dahilan sa likod nito. Matagal na kasi kaming walang katulong. Baka masyado silang gipit kaya kumukuha sila ng patatas nang walang paalam. Baka gusto nilang maghiganti kasi pangit ang trato sa kanila. Pwede rin siguro na sawa na sila sa pagiging katulong at meron pa silang mas mataas na ambisyon bukod sa magpatahan ng bata. O kaya gusto pa nilang makipagsapalaran dahil baka may mas maganda pang naghihintay sa kanila. O baka trip lang nila kasi makakalusot.
Marami sigurong dahilan. Ang importante, kapag nakatagpo tayo ng isang kasamang maasahan at mapagkakatiwalaan, pahalagahan at mahalin natin sila. Kaya kung meron kayong kilala, paki refer sa kin kasi kanina lang, may naghahanap ng katulong sa opisina namin.
Note: lahat ng mga pangalan dito ay hindi totoo pero ang mga pangyayari ay batay sa tunay na buhay
January 17th, 2006 at 8:40 pm
ha ha good read. keep on writing. i am bookmarking your blog. now you know someone is reading your entries. ha ha
hope to read more… God bless
P.S. why sunshine stories??